Skip to main content

To: Reps. Elenita Milagros "Eileen" Ermita-Buhain, Vilma Santos-Recto, Lianda B. Bolilia, Raneo "Ranie" E. Abu, Ma. Theresa V. Collantes, Mario Vittorio "Marvey" A. Mariño, Batangas, Philippines

Panawagan para sa Mga Kongresista ng Batangas: Tutulan ang Anti-Terrorism Bill!

Panawagan para sa Mga Kongresista ng Batangas: Tutulan ang Anti-Terrorism Bill!

Nito lamang ika-tatlo ng Hunyo, naipasa ang House Bill 6875 o Anti-Terrorism Act of 2020 sa pangatlo’t huling pagbasa sa kamara. Nakapagtala ng 173 pabor na boto, 31 na hindi pabor at 29 naman ang hindi bumoto sa naging pagpupulong sa Kongreso. Kabilang sa 173 pabor na boto ay limang Kongresista mula sa mga Distrito ng Batangas. Sila ay sina Congressman Raneo “Ranie” E. Abu mula sa Ikalawang Distrito na isang co-author ng nasabing panukalang batas, Congresswoman Ma. Theresa V. Collantes mula sa Ikatlong Distrito na isa ring co-author, si Congresswoman Lianda B. Bolilia mula sa Ika-apat na Distrito na isang principal author, si Congressman Mario Vittorio “Marvey” A. Marino mula sa Ika-limang Distrito at si dating Gobernador at ngayo’y Congresswoman ng ika-anim na Distrito, Vilma Santos-Recto, na isa ring co-author ng nasabing panukalang batas. Samantala, hindi bumoto si Congresswoman Elenita Milagros “Eileen” Ermita-Buhain mula sa unang Distrito.

Gawa ng mga probisyon na nakasaad sa naturang panukalang batas, naniniwala kami na ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay maaaring gamitin laban sa kalayaan at karapatang pantao ng mamamayang Pilipino at nararapat na ito ay mariing tutulan dahil sa mga sumusunod na rason.

1. Sa ilalim ng Anti-Terrorism Bill, mabibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng mga miyembro ng Anti-Terrorism Council. Ang ATC ang siyang may kakayahan na ipanukala ang naturang batas at kilalanin bilang "terorista" ang sinumang mapaghihinalaan at patawan ito ng parusa nang walang paglilitis.

2. Hindi malinaw ang ilinahad na depinisyon ng "terorismo" sa ilalim ng naturang panukalang batas, kung kaya't walang ligtas at lahat ay maaaring ideklarang terorista ng pamahalaan. (SEC. 4, ATB)

3. Sa batas na ito, magkakaroon din ng kapangyarihan ang pulis at militar na magsagawa ng surveillance o paniniktik, wiretapping, at proscription sa mga mapaghihinalaang "terorista". Ang naturang paniniktik ay maaaring magtagal ng dalawang buwan kahit na hindi pa ito napapatunayan sa harap ng hukuman. (SEC. 19, ATB) Ibig sabihin ay maaari nilang labagin ang ating privacy base lamang sa isang suspetya.

4. Pinahihintulutan din ng batas na ito ang warrantless arrest (o paghuli ng walang utos mula sa korte) ng sinumang mapaghihinalaang terorista. Dahil dito, may kakayahan ang mga pulis na ikulong ang inaakusahan ng 14 hanggang 24 na araw bagaman wala pang pormal na kasong inihain laban sa kanila. (SEC. 29, ATB) Ito ay salungat sa nakasaad sa kasulukuyang konstitusyon sa ilalim ng HSA (Human Security Act of 2007) na nagsasabing ang mga inaresto ay nararapat ng masampahan ng kaso sa korte sa loob lamang ng tatlong araw, at kung hindi masampahan ay nararapat nang pakawalan.

Ang mga inilahad na probisyon ng panukalang batas na ito ay isang klarong paglabag sa karapatang pantao na nakasaad sa ating Konstitusyon. Ang HB 6875, o Anti-Terrorism Act of 2020 ay pwedeng gamitin ng administrasyon na ito upang busalan ang sino man na hindi sumangayon dito, at ituloy ang pag-atake sa kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino.

Ngayon, nais naming humingi ng pahayag mula sa mga nasabing mga representante ng Distrito ng Batangas ukol sa kanilang pagsuporta sa panukalang batas na ito nang hindi lehitimong isinasaboses ang mga tunay na nais at interes ng mga mamamayan na kanilang kinasasakupan.

Nanawagan kami sa lahat ng mga Kinatawan ng Distrito sa Batangas nang agarang pag-bawi ng suporta sa nasabing panukalang batas. Nais naming pakinggan ninyo ang tunay na isinisigaw ng inyong nasasakupan.

Why is this important?

Sa hindi malinaw na konteksto ng bill, nabibigyan ng labis na kapangyarihan ang kapulisan, at nanganganib na maisantabi ang prosesong pangkatarubgan. Makakapanghatol ang mga nasa otoridad batay sa hinala sa halip na sa masusing imbestigasyon at proseso. Isang malaking sampal ito sa karapatan natin ng malayang pananalita, samakatwid ay sa ating kalayaan pati na rin sa ating pundamental na karapatang pantao.

Ang pagpapasa ng nasabing bill ay isang malaking kapabayaan ng mga kinauukulan sa kapangyarihang hiram lamang nila sa mga mamamayan.

Batangas, Philippines

Maps © Stamen; Data © OSM and contributors, ODbL


Reasons for signing

  • Non sense lang talaga yung batas, hindi makatarungan bnapakarami loopholes,
  • Overabusing of power
  • Human Rights!

Updates

2020-06-10 14:37:46 +0800

500 signatures reached

2020-06-08 19:33:48 +0800

100 signatures reached

2020-06-08 17:34:06 +0800

50 signatures reached

2020-06-08 16:03:56 +0800

25 signatures reached

2020-06-08 15:26:46 +0800

10 signatures reached