Skip to main content

To: Cong. Alan Peter S. Cayetano, Congw. Maria Laarni Cayetano, Taguig, Metro Manila, Philippines

Panawagan ng Taguigeños sa mga Kongresista ng Taguig: Tutulan ang Anti-Terrorism Bill!

Panawagan ng Taguigeños sa mga Kongresista ng Taguig: Tutulan ang Anti-Terrorism Bill!

Bilang mga kritikal na mga Taguigeñong naniniwala sa isang malaya't demokratikong bansa, mariin naming tinututulan ang pag-apruba at pagsuporta nina Congressman Alan Peter Cayetano at CongresswomanMa. Laarni Cayetano sa isang panukalang batas na malinaw na banta sa seguridad ng mga Pilipino.

Noong ikatlo ng Hunyo 2020 ay naipasa sa ikatlo't huling pagbasa ang House Bill 6875 o ang Anti-Terrorism Bill sa botong 173 na pabor, 31 na hindi pabor at 29 namang hindi sumagot. Sa listahang inilabas ng mababang kapulungan ng Kongreso ay kasama sa mga pumabor ang kinatawan ng Taguig na sina Alan Peter Cayetano at Lani Cayetano.

Dahil dito, tahasan naming ipinahahayag ang pagkadismaya sa pagsang-ayon nina Cong. Alan Cayetano, kinatawan ng Unang Distrito ng Taguig, at Congw. Lani Cayetano, ng Ikalawang Distrito ng Taguig, sa naturang panukalang batas. Dagdag pa, kami rin ay humihingi ng isang malinaw at maayos na pahayag ukol sa kanilang naging desisyon na paburan ang nabanggit na panukalang batas nang walang maayos at organisadong pagsangguni mula sa kanilang mga kinakatawan.

Naniniwala kami na ang boto nila ay hindi kumakatawan sa kagustuhan at paniniwala ng mga Taguigeño at isang malinaw na pagtalikod sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga kinatawan ng Taguig. Kaya naman patuloy ang aming panawagan sa mga kongresista na bawiin ang suporta sa panukalang batas na ito at sa halip ay ipahayag ang pagtutol dito.

Narito ang mga dahilan kung bakit dapat na mariing tutulan ang pagsasabatas ng House Bill 6875 o Anti-Terrorism Bill:

1. Malabo at walang-linaw ang depinisyon ng 'terorismo'. Sa panukalang batas na ito, malawak ang saklaw at walang-linaw ang naging depinisyon ng salitang ‘terorismo' na tiyak na magbubukas sa maraming interpretasyon na maaaring makaapekto sa karapatan at kalayaan ng mga mamamayan. Inilalagay rin nito sa alanganin lalo na ang mga political activists, ang mga nagsasagawa ng mobilisasyon, at maging ang mga magpapahayag ng kritikal na opinyon laban sa gobyerno na maaaring mauwi sa pagkakakulong ayon sa hatol ng Anti-Terrorism Council na binubuo lamang ng mga empleyado ng gobyerno. (Sec. 4, ATB)

2. Nilalabag nito ang batayang karapatan ng isang mamamayan. Sa ilalim rin ng panukalang batas na ito ay pinahihintulutan ang wire-tapping at surveillance o paninitiktik sa sinumang mapaghihinalaang 'terorista' na maaaring tumagal ng dalawang buwan kahit hindi pa ito napatutunayan sa korte (Sec. 19, ATB). Dahil dito, malinaw na nilalabag nito ang konstitusyon, partikular na ang konstitusyunal na karapatan natin sa pribadong komunikasyon base lamang sa isang hinala.

3. Pilit nitong binubusalan ang mga kritiko. Layon ng Anti-Terrorism Bill na patahimikin ang sinumang babatikos sa kakulangan at kawalang-kakayahan ng gobyerno na pagsilbihan at unahin ang kapakanan ng mga Pilipino. Sa ilalim ng panukalang batas na ito ay tinatanggal ang ating karapatan sa malayang pamamahayag.

4. Nilalabag nito ang kasalukuyang konstitusyon. Ang pagpayag ng panukalang batas na ito na magsagawa ng warrantless arrest o paghuli nang walang utos mula sa korte sa kung sino mang mapaghinalaang terorista ng pulisya na maaaring makulong ng mula 14 hanggang 24 na araw (Sec. 29, ATB) ay malinaw na paglabag sa mga batas na pumuprotekta sa batayang karapatan ng mga mamamayan at salungat sa nakasaad sa kasalukuyang konstitusyon na naglalahad na ang mga akusado ay nararapat na masampahan ng kaso sa korte sa loob ng tatlong araw at kung hindi masampahan ay nararapat nang palayain.

Sa gitna ng pandemyang kinahaharap ng bansa at sa lantad ng paghihirap na tinatamasa ng mga Pilipino, inuuna pa rin ng pamahalaan ang pagraratsada ng isang panukalang batas na banta sa seguridad ng karamihan. Malinaw itong indikasyon na ang priyoridad ng gobyerno ay ang pagpapatahimik sa kanilang mga kritiko at hindi ang kapakanang pangkalusugan ng mga Pilipino.

Habang mariin naming kinukundena ang banta ng terorismo sa seguridad, kaligtasan at kapakanan ng sambayanang Pilipino, naniniwala kami na hindi masosolusyunan ang problemang ito ng panukalang batas na binubuo ng mga probisyong nakaaapak sa kalayaan at karapatang pantao.

Para kina Cong. Alan Cayetano at Congw. Lani Cayetano: humihingi ang mga Taguigeño ng malinaw na paliwanag sa batayan ng inyong boto at kami ay sinserong nanawagan ng agarang pagbawi sa inyong pag-apruba sa hindi makataong Anti-Terrorism Bill.

Sa pagsubok na ito, hangad namin ang inyong pagsuporta sa aming laban para sa karapatan, kaligtasan at kalayaan ng bawat isang Pilipino. Hindi sapat ang inyong pananahimik hinggil sa usapin ng karapatang pantao ng maraming Pilipino lalo na ng inyong mga nasasakupan.

Why is this important?

Bilang mga kinatawan ng Taguig at ng mahigit 800,000 na Taguigeño, karapat-dapat lamang na sumalamin ang boto nina Cong. Alan Cayetano at Congw. Lani Cayetano sa sigaw ng mga Taguigeño dahil responsibilidad nilang isatinig ang ating mga hinaing – labanan ang paniniil sa kaparatang pantao, tutulan ang Anti-Terrorism Bill!

#JunkTerrorBill
#CayetanoVoteNo
#BawiinAngBoto

Taguig, Metro Manila, Philippines

Maps © Stamen; Data © OSM and contributors, ODbL


Reasons for signing

  • Human rights ang mawawala satin
  • Ok sana yung bill but because of our government, naging delikado ito.
  • stop posing threats to students

Updates

2020-06-08 20:59:09 +0800

100 signatures reached

2020-06-08 20:42:25 +0800

50 signatures reached

2020-06-08 20:29:38 +0800

25 signatures reached

2020-06-08 20:23:13 +0800

10 signatures reached