Skip to main content

To: Congw. Florida Robes, San Jose del Monte City, Bulacan, Philippines

Panawagan ng mga San Joseño kay Congw. Rida Robes: Tutulan ang Anti-Terrorism Bill

Noong ikatlo ng Hunyo taong kasalukuyan, naipasa ang House Bill No. 6875 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa botong 173 na pabor, 31 na hindi pabor, at 29 naman ang hindi sumagot para sa ikatlo at huling pagbasa nito sa mababang kapulungan ng Kongreso. Sa lumabas na listahan, kasama sa mga pumabor na Kongresista sa panukalang batas na ito ang ating kinatawang si Rida Robes.

Kaya't sa pagkakataong ito, kami ay humihingi ng malinaw na pahayag at eksplanasyon ukol sa kaniyang naging desisyon na suportahan ang naturang panukalang batas nang tila ay walang pagsangguni mula sa kanyang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng Anti-Terrorism Bill, ang ehekutibong sangay ng gobyerno na pinamumunuan ng ating Presidente Rodrigo Duterte ang syang magtatalaga ng magiging miyembro ng Anti-Terrorism Council. Ang ATC ang siyang may kapangyarihan na ipahayag bilang "terorista" ang sinumang mapaghihinalaan base sa kanilang depinisyon nito.

Naniniwala kami na ang naturang panukalang batas ay bukas sa maraming interpretasyon na lubhang makakaapekto sa karapatan at kalayaan ng mga mamamayan at nararapat na mapigilan dahil sa mga sumusunod na mga katwiran.
1. Naging malabo at malawak ang saklaw ng naging depinisyon ng "terorismo" sa naturang batas na siyang lubusang nakababahala sapagkat lahat ay maaaring ituring na suspek at paghinalaang terorista ng pamahalaan. (SEC. 4, ATB)
2. Pinahihintulutan ng naturang panukalang batas ang mga pulis at militar na magsagawa ng surveillance o paniniktik, wiretapping, at proscription sa sinumang pinaghihinalaang terorista bagaman hindi pa ito napapatunayan sa korte na maaaring tumagal ng 2 buwan (SEC. 19, ATB). Nangangahulugan lamang ito na sila ay magkakaroon ng kapangyarihan na baliin ang ating karapatang pribado base lamang sa isang suspetya.
3. Pinapayagan din ng batas na ito na magsagawa ang pulisya ng warrantless arrest (o paghuli ng walang utos mula sa isang korte) sa kung sino man ang kanilang pinaghihinalaang terorista at ikulong ang mga ito nang 14 araw na maaaring umabot pa ng 24 araw sa ibang basehan sa batas. (SEC. 29, ATB) Sa panahon ng pagkakapiit ay wala pang pormal na kasong inihain laban sa iyo sa hukuman. Ito ay salungat sa nakasaad sa kasulukuyang konstitusyon na nagsasabing ang mga inakusahan at inaresto ay nararapat na masampahan ng kaso sa korte sa loob ng tatlong araw lamang, kumpara sa probisyon ng HSA (Human Security Act of 2007), at kung hindi masampahan ng kaso ay nararapat nang pakawalan.

Ang mga naturang probisyon ng panukalang batas na ito ay malinaw na paglabag sa batayang karapatan ng mga mamamayan na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay maaaring maging kasangkapan ng pamahalaan upang palawakin ang pang-aabuso at pag-atake sa kalayaan ng bawat Pilipino.

Sa gitna ng pasakit ng kasulukuyang pandemya ay inuna ng pamahalaan na ipasa sa Kongreso ang panukalang batas na ito. Naniniwala kami na ito ay isang hakbang ng administrasyon para patahimikin ang kanilang mga kritiko at nakawin ang boses ng taong-bayan upang maging malaya sila na hamakin ang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino at itago ang kapalpakan ng gobyerno na wakasan ang krisis na ito.
Naniniwala kami na ang banta ng terorismo ay isang malaking hamon noon pa man sa seguridad at kapakanan ng bansa, ngunit naniniwala rin kami na kayang lutasin ang problemang ito nang hindi naapakan ang karapatang pantao at kalayaan ninuman. Sa katunayan, mayroon nang umiiral na batas para sugpuin ang terorismo sa bansa at ito ang Human Security Act na naipasa noong 2007.

Why is this important?

Bilang malaya at kritikal na mga mamamayan ng lungsod ng San Jose del Monte, mariin naming tinututulan ang pag-pabor ng aming kinatawang si Congresswoman Florida "Rida" Robes sa Anti-Terrorism Bill. Naniniwala kami na ang pag-suporta niya sa panukalang batas na ito ay hindi sumasalamin sa tunay at kabuuang boses ng kanyang mga nasasakupan. Dahil dito, hinihiling naming bawiin niya ang kanyang suporta sa naturang batas.

Kaya't para sa aming kinatawan na si Cong. Florida Robes, kami ay nananawagan ng iyong agarang pagbawi sa iyong pagsuporta sa Anti-Terrorism Bill. Bilang aming representante sa mababang Kongreso, ang iyong pangunahing tungkulin ay ang iangat ang boses ng iyong nasasakupan. Nararapat lamang na sumalamin ang iyong magiging boto sa sigaw ng bawat San Joseño.

Sa pagkakataong ito, hinihiling namin ang iyong suporta sa aming paglaban sa karapatan ng bawat mamamayang Pilipino. Nawa ay iyong pakinggan ang boses naming mga San Joseño.
San Jose del Monte City, Bulacan, Philippines

Maps © Stamen; Data © OSM and contributors, ODbL

Links

Updates

2020-06-08 02:10:24 +0800

500 signatures reached

2020-06-07 19:48:02 +0800

100 signatures reached

2020-06-07 19:32:47 +0800

50 signatures reached

2020-06-07 19:24:27 +0800

25 signatures reached

2020-06-07 19:20:04 +0800

10 signatures reached